Bacalzo gigisahin sa carjacking
MANILA, Philippines - Nakatakdang isalang sa paggisa ng Senado si Philippine National Police (PNP) chief Director General Raul Bacalzo kasunod ng paglobo ng krimen sa bansa, partikular ang sunud-sunod na brutal na carjacking.
Ayon kay Sen. Gregorio Honasan, chairman ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs, ipinadala na nila kay Bacalzo ang imbitasyon para sa gagawing imbestigasyon sa Miyerkules. Sinulatan rin ng Senado ang PNP chief upang isumite nito ang pinaka-latest na crime statistics sa bansa at kung ano ang ginagawa dito ng PNP.
Sinabi ni Honasan na bago pa man ang serye ng brutal na carnapping kung saan sinusunog pa ang may-ari ng sasakyan ay nasangkot din ang kapulisan sa sunod-sunod na krimen katulad ng ilegal na droga, kidnappings at patayan.
May pulis din na naakusahan nang panggagahasa sa loob mismo ng tanggapan ng pulisya sa Maynila.
Sa kabila nito, dapat pa rin anyang bigyan nang pagkakataon ang PNP upang sugpuin ang pagtaas ng krimen sa bansa.
Inaasahan din ng senador na magrerekomenda ang PNP sa Senado ng mga nararapat na gawin “in aid of legislation” kaugnay sa kinakaharap nitong problema.
Si Bacalzo ay nakatakdang magretiro sa September 15, 2011 subalit umugong ang panawagang magbitiw na ito sa pwesto dahil sa umano’y kabiguan nitong tugunan ang pagtaas ng kaso ng kriminalidad sa bansa.
- Latest
- Trending