MANILA, Philippines - Nanawagan ang Deparment of Health (DOH) sa publiko na nasugatan dahil sa paggamit ng paputok noong Bagong Taon na kaagad magpakonsulta sa doktor at magpabakuna upang makaiwas sa tetano.
Ito ang panawagan ni Dr. Eric Tayag, hepe ng DOH-National Epidemiology Center (NEC) matapos na masawi noong Biyernes ang isang 30-anyos na lalaki na nagtamo ng bahagyang paso dahil sa paputok dahil sa tetanus.
Nilinaw naman ni Tayag na ito ang kauna-unahang firecracker related tetanus death sa taong 2011.
Nagbabala naman si Tayag sa publiko na huwag balewalain sa halip ay agad na magpabakuna ang mga tao kahit pa maliit na sugat at bahagyang paso lamang ang natamo nito sanhi ng paputok dahil maaari rin itong makamatay, kung kakapitan ng tetanus bacteria.
Ang nasawing tetanus victim na residente ng Citadel, Quezon City, ay isinugod lamang sa San Lazaro Hospital noong Enero 10 matapos na makitaan ng mga sintomas ng tetanus tulad ng lockjaw at respiratory spasm.
Gayunman, binawian rin ito ng buhay matapos manatili ng limang araw sa pagamutan.
Tatlo pa umanong revelers na nasugatan din sa paggamit ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon, ang isinugod rin sa naturang pagamutan dahil sa tetanus.
Kabilang dito ang ang isang anim na taong gulang na batang lalaki na mula sa Makati City at isinugod sa pagamutan noong Enero 9, o walong araw matapos itong magtamo ng sugat sa kanang kamay dahil sa pagsisindi ng five-star noong Enero 1.
Nananatili umanong nasa seryosong kondisyon ang bata hanggang sa ngayon.
Samantala, Enero 12 naman nang isugod sa San Lazaro Hospital ang isang 43-anyos na lalaki mula sa Cainta, Rizal, na nagtamo ng sugat at paso sa kamay at leeg dahil sa paggamit ng kuwitis, habang Enero 14 na nang makaranas ng sintomas ng tetano ang 22-anyos na lalaki mula sa Bacoor, Cavite na nagtamo rin ng sugat sa kanang kamay dahil sa paggamit naman ng whistle bomb noong Disyembre 31. (Gemma Garcia/Ludy Bermudo)