Menor de edad na umiinom, bumibili ng alak parurusahan
MANILA, Philippines - Babala sa mga kabataan na sumusubok nang uminom ng alak!
Inihain na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong parusahan ang mga menor de edad na mahuhuling umiinom at nakakalusot na bumili ng alak kahit ipinagbabawal ng batas ang pagbebenta nito sa wala pang 18 taong gulang.
Sa Senate Bill 2626 o Anti-Underage Drinking Act na inihain ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., sinabi nito na nakakabahala na ang napakaluwag na monitoring at pagpapatupad ng batas kaya marami pa ring mga teenagers ang nakakabili ng alak sa mga grocery at convenience stores.
Sinabi ni Revilla na kahit pa itinakda sa 18 taon gulang ang legal drinking age, kapuna-puna na marami ng kabataan sa Pilipinas ang umiinom ng alak.
Ayon kay Revilla, ang maagang pagkalulong sa alak ay nagiging daan upang matutong gumawa ng ibang krimen ang mga kabataan kung saan maaari rin silang nalululong sa sex at drugs.
Kung magiging ganap na batas ang panukala, ang mga kabataan o menor de edad na mahuhuli ay aatasan na magbigay ng community service at ipapaliwanag din sa mga ito ang negatibong idinudulot ng pag-inom ng alcohol.
Ang mga establishments naman na mahuhuling nagbebenta ng alak sa mga kabataan ay pagmumultahin ng mula P10,000 sa unang paglabag at P50,000 sa mga susunod na paglabag.
Kabilang sa mga ituturing na alcohol ang whisky, brandy, rum gin tequila, at vodka, at mga kahalintulad na inumin. Kabilang din ang mga malt beverages, mixed o fermented liquors, kasama ang tuba, basi, tapuy at lambanog.
- Latest
- Trending