Sunog na KIA ni Lozano natagpuan
MANILA, Philippines - Natagpuan na kahapon ang sunog na sasakyan ng pinaslang na car dealer na si Emerson Lozano, matapos na gulantangin ang mga residente ng malakas na pagsabog mula sa nagliliyab na sasakyan sa Brgy. San Simon, Dinalupihan, Bataan kahapon ng madaling araw.
Sa press briefing sa Camp Crame, kinumpirma ni Special Investigation Task Group (SITG) Chief P/Chief Supt. Benito Estipona na ang natagpuang nasusunog na behikulo ay ang nawawalang KIA 2008 Model Carnival ni Lozano pero tinanggal na ang plaka nitong QAE-333.
Si Emerson, 44, ay anak ni Atty. Oliver Lozano, abogado ng yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay PNP-Highway Patrol Group Director Chief Supt. Leonardo Espina na tulad ng mga bangkay ng mga biktima ay sinunog rin ang behikulo upang burahin ang ebidensya .
Bandang alas- 2:30 ng madaling araw ng madiskubre ang sinunog na behikulo sa Purok 2, Brgy. San Simon.
Ayon naman kay Sr. Supt. Arnold Gunacao, Provincial Police Office (PPO) Director ng Bataan, positibong natukoy ang behikulo ni Lozano sa pamamagitan ng engine number nito na J-37253625 at chassis/body number KNAMB761386234589.
Agad namang nagresponde ang mga bumbero at inapula ang apoy ng nasusunog na behikulo.
Nangangalap na ng mga testigo ang mga awtoridad upang mabatid kung bakit napunta sa nasabing lugar na isang taniman ang nasabing sasakyan na nagdaan sa SCTEx dahil hindi ito namataan sa checkpoints sa Bataan.
Patuloy naman ang paghahanap ng mga awtoridad sa nawawalang 2009 Toyota Land Cruiser na ibinebenta ng isa pang car dealer na si Venson Evangelista na pinatay at sinunog din ang bangkay.
- Latest
- Trending