MANILA, Philippines - Pormal nang sumabak sa trabaho sa Commission on Elections (Comelec) si newly-appointed chairman Atty. Sixto Brillantes kahapon.
Kaugnay nito, umapela si Brillantes sa publiko na bigyan siya ng pagkakataong patunayan na karapat-dapat siyang maging bagong pinuno ng poll body.
Si Brillantes ay itinalaga ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa puwesto nitong Sabado ng hapon matapos na magpasya si dating Comelec chairman Jose Melo na mas maagang bumaba sa puwesto, bilang pagbibigay-daan sa kaniyang appointment.
Pinawi rin naman ni Brillantes ang pangamba ng ilang kritiko na isa siyang “operator” ng halalan dahil sa pagiging election lawyer nito, kung saan ilan sa mga napagsilbihan niyang mga popular na kliyente ay sina Pangulong Benigno Simeon Aquino III, dating Pangulong Joseph Estrada at maging ang pamilya ng mga Ampatuan.
Tiniyak rin ni Brillantes na sisiguruhin niyang magkakaroon na rin sa wakas ng isang matagumpay at fully-automated na halalan ang bansa sa taong 2016.
Pag-aaralan aniya ng poll body kung gagawin nilang synchronized ang naturang halalan sa 2013 mid-term elections, na siya ring dahilan kung bakit kinakailangan niya kaagad na makaupo sa puwesto.
Idinepensa ng Malacanang ang pagtatalaga ni Pangulong Aquino kay Comelec chairman Sixto Brillantes.