Kinatawan ng GRP at NDF nagtagpo sa Norway
OSLO, Norway (AP) — Nagkita sa kabisera ng Norway ang mga kinatawan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng National Democratic Front-Communist Party of the Philippines-New People’s Army para sa impormal na pag-uusap bago simulang muli ang negosasyong pangkapayapaan.
Kabilang sa sesyon nitong Biyernes ang isang welcome ceremony at introductory remarks at magsisimula sa Sabado ang aktuwal na diskusyon, ayon kay Ture Lund, isang opisyal ng Norwegian Foreign Ministry na nagsaayos ng pag-uusap.
Tumanggi siyang banggitin ang pangalan ng mga kinatawan ng magkabilang panig at walang sino man sa mga ito ang magbibigay ng komentaryo hinggil sa pulong hanggang hindi ito matatapos sa Enero 18.
Nasuspinde noong taong 2004 ang negosasyon ng GRP (government of the Republic of the Philippines) at ng NDF kasabay ng akusasyon na sinulsol ng una ang pagkakasama ng CPP at NPA sa listahan ng United States at ng Europe hinggil sa mga teroristang organisasyon sa Daigdig.
- Latest
- Trending