MANILA, Philippines – Lumobo na sa P1.5 bilyon ang pinsala sa agrikultura, imprastraktura at mga ari-arian habang tumaas na rin sa 47 katao ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng mga flashflood at landslide na bunsod ng malakas na pagbuhos ng ulan sa Regions IV-B, V, VI, VII, VIII, X, XI, ARMM at CARAGA.
Sa report na ipinalabas kahapon ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, aabot na rin sa halos 1.3 M bilang ng populasyon ang apektado ng kalamidad.
Kasabay nito, dalawa pang lugar ang isinailalim sa state of calamity na kinabibilangan ng Silay City at Victorias City na pawang sa Negros Occidental.
Nagbabadya pa rin ang flashfloods at landslides sa lalawigan ng Quezon at Bicol Region kaya pinag-iingat ang mga residente.
Sa pinakahuling tala ng NDRRMC, pinakahuling bilang ng mga nadagdag sa mga nasawi ay mula sa Catanduanes, Sorsogon at Camarines Sur sa Bicol Region; Negros Occidental sa Western Visayas .
Ayon sa NDRRMC ang mga pagbaha at pagguho ng lupa ay nakaapekto sa 268,079 pamilya o 1,388,830 katao sa may 1,471 barangay sa may 147 bayan, 16 lungsod sa 25 lalawigan na sinalanta ng kalamidad sa loob ng mahigit 2 linggo.