MANILA, Philippines – Pinabulaanan kahapon ni film and television director Carlo J. Caparas na tinatakasan niya ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay ng pagbabayad ng kanyang buwis na nagkakahalaga ng P540 milyon.
Ito ay matapos na personal na dumalo sa preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) si Caparas at magsumite ng kanyang counter affidavit kay Senior State Prosecutor Rosanne Balauag.
Inamin ni Caparas na mayroon siyang pagkakamali subalit wala umano itong kasalanan kaugnay sa kasong tax evasion na isinampa laban sa kaniya ng BIR noong Oktubre 2010.
Pinagbabayad naman ng BIR si Caparas ng halagang P540 milyon para sa mga hindi nito nabayarang buwis, surcharges at penalties dahil sa kabiguan nitong magbayad ng tax returns mula taong 2006 hanggang 2009.
Base sa imbestigasyon ng BIR, lumalabas na nakatanggap si Caparas ng halagang P850 milyon mula sa Philipine Chartiy Sweepstakes Office (PCSO) bilang kabayaran sa pag direksyon at produksyon ng ibat-ibang television programs.
Subalit nabigo umano si Caparas na ideklara ang income nito at magbayad ng kaukulang taxes kayat kinasuhan ito ng BIR.