Flashflood: 18,000 Pinoy sa Australia inilikas
MANILA, Philippines – Libu-libong Pinoy ang lumikas at kasalukuyang nasa mga evacuation centers matapos na maapektuhan ng matinding pananalasa ng baha sa Queensland, Australia.
Inamin kahapon ng Embahada ng Pilipinas sa Canberra sa Department of Foreign Affairs na labis din silang naapektuhan ng flashfloods sa Queensland.
Sa tala ng DFA, may 18,000 Pinoy ang kasalukuyang nagtatrabaho at nakatira sa Queensland.
Ayon sa Embahada, kasalukuyan silang nakikipag-koordinasyon sa Philippine Honorary Consulate General sa Brisbane at Filipino community leaders sa Queensland upang tuluy-tuloy ang kanilang pagmo-monitor sa sitwasyon ng mga Pinoy na naapektuhan ng pagbaha mula sa mga apektadong lugar sa Queensland.
Inatasan na rin ni Charge d’Affaires Mary Anne Padua si Consul General Allan Grummit sa Brisbane na bisitahin ang mga Pinoy na inilikas sa mga evacuation centers upang agad na mabigyan ng tulong at pansamantalang matutuluyan.
“We have all been affected in one way or another by the devastating floods, which affected almost the entire State of Queensland,” ani Grummit.
Sa huling tala na tinanggap ng DFA, may 200,000 katao ang naapektuhan sa matinding baha na nag-iwan ng may 15 kataong patay at 70 iba pa ang nawawala.
- Latest
- Trending