MANILA, Philippines - Tagumpay ang mga Bulakenyo sa kanilang anim na taong pakikipaglaban upang tuluyan nang matigil ang illegal na pagmimina ng marmol sa makasaysayang Biak na Bato National Park sa bayan ng San Miguel sa Bulacan at ang pagkasira ng kalikasan sa lalawigan.
Ito’y kasunod ng pagkansela ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na iginawad sa Rosemoor Mining and Development Corp. (RMDC), na tanging mining operator sa naturang lugar.
Sa kautusan na may petsang Dec. 28, 2010, pinuna ng DENR ang naging paglabag ng minahan base sa mga isinasaad ng Philippine Mining Act of 1995.
Ayon kay Bulacan Rep. Jonjon Mendoza, na masigasig na lumaban sa illegal na pagmimina mula pa nang siya ang gobernador ng lalawigan kasama si dati ring Gov. Jose dela Cruz mula pa noong 2004, agad siyang maglulunsad ng programa para sa rehabilitation ng Biak na Bato.
Sisiyasatin din niya ang reklamo laban kay Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado sa Office of the President na inakusahan ng pag-uutos ng bawal na paglilipat ng mga marmol mula sa minahan.
?Inireklamo ng mga residente sa DENR ang masamang epekto ng minahan sa tubig na nagmumula sa Biak na Bato patungo sa Angat watershed, na apektado din ang mga pangunahing pinanggagalingan ng supply ng tubig sa Metro Manila at ang pagkasira ng mga kalsada na dinadaanan ng mga trak ng Rosewood bukod pa sa ilang patayang naganap sa minahan dahil sa pag-aagawan sa pag-aari nito ng dalawang tao.