MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Malacañang na kabilang ang election lawyer ni dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Arroyo sa pinagpipilian ni Pangulong Noynoy Aquino na papalit bilang chairman ng Commission on Elections (Comelec).
Inanunsiyo ni Deputy Presidential Spokesperon Abigail Valte na sina Atty. Sixto Brillantes at Atty. Romulo Macalintal ang mga napipisil ng Pangulo kapalit ni Comelec chairman Jose Melo na nakatakdang magretiro sa Enero 31.
Si Brillantes ay naging abogado ni Pres. Noy noong eleksyon at si Macalintal ay naging abogado naman ni Rep. Gloria.
Nabatid na nagpulong na sa Palasyo sina PNoy, Executive Secretary Jojo Ochoa at Macalintal kung saan personal umanong kinausap ng Pangulo ang huli para ipaalam dito na kasama siya sa mga pinagpipilian para maging kapalit ni Melo.
Tinanong din umano ng Pangulo kay Macalintal ang kanyang mga plano para sa Comelec.
Kinumpirma naman ni Atty. Macalintal na inalok na siya ni PNoy para sa nasabing bakanteng posisyon at ihahayag niya sa linggong ito ang kanyang magiging tugon.
May ilan namang nagpayo kay Macalintal na maghanda na ng mga argumento sa mga inaasahang batikos sa kanya dahil naging abugado siya ni dating Pangulong Gloria Arroyo.