MANILA, Philippines - Inihayag noong Martes ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. na natukoy na ng Gabinete ang 32 panukalang batas na ipapasa kay Pangulong Noynoy Aquino bago ang nakatakdang pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa katapusan ng buwan.
Tinipon ni Ochoa kamakalawa ang mga miyembro ng Gabinete para pagpulungan ang mahahalagang panukalang batas na isasama sa Priority Legislative Agenda ng administrasyon.
“The priority legislative measures we have crafted are consistent with the President’s social contract with the Filipino people,” ani Ochoa. “We want to ensure that this administration succeed in addressing this with the help of Congress.”??Ang mga layunin ng priority legislative agenda ay ang mga sumusunod:
Pagsugpo sa kahirapan at pagkakaroon ng malusog, edukado, at makapangyarihang mamamayan;
Pagsusulong ng produktibidad, pangangalap ng empleyo, at pagtiyak na mayroong sapat na pagkain;
Paghikayat para sa pagkakaroon ng mas maraming public-private partnership at pag-iral ng isang competitive policy environment;
Pagtatanggol sa ating kalayaan, pagtiyak sa seguridad, at pagsunod sa batas; at Pagpapalakas sa kapasidad ng burukrasya na makapamahala.
Ayon sa Executive secretary, 139 panukalang batas ang inihain ng mga miyembro ng Gabinete at 41 naman ang ipinasa ng Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines.
Ang mga naturang panukalang batas ay nakabatay sa limang cluster na ang bawat isa ay kumakatawan sa isang critical area, ani Ochoa. Ang mga pinuno ng limang cluster ay sina Vice-Pres. Jejomar Binay, Human Development; Economic Secretary Cayetano Paderanga Jr., Economic Development; DPWH Secretary Rogelio Singson, Infrastructure Development; DOJ Secretary Leila De Lima, Rule of Law; at Ochoa, Good Governance.
Idinagdag ng Executive Secretary na naniniwala ang administrasyon na sa tulong ng Kongreso ay madaragdagan o di kaya ay mas mapapahusay pa ang mga panukalang batas na ipapasa rin naman sa mga mambabatas.