MANILA, Philippines - Isang bagong “power bloc” ang iniulat na bumabraso sa Department of Environment and Natural Respources (DENR) upang pagtakpan ang ilang anomalya sa lupain na nangyari sa mga nakalipas na administrasyon.
Ayon sa isang DENR source, binubuo umano ang grupo ng mga nagdonasyon ng milyun-milyong halaga sa kampanya ni Presidente Noynoy Aquino noong nakaraang eleksyon. Isa umano sa mga prominenteng kasapi sa paksyon ay ang dating DENR Secretary ni yumaong Presidente Cory Aquino na si Fulgencio Factoran, Jr. at iba pang mayayamang personalidad.
Karagdagan umano ito sa “Balay Group” at “Samar Group” na umano’y nakapagpapabagal sa usad ng mga programang pang-reporma ni Presidente Aquino. Tinatawag itong “Millionaire Donors’ Group” (MDG).
Kabilang sa usaping nais i-coverup ng impluwensyal na grupo ay ang land-grabbing case sa Mindanao ilang panahon na ang nakararaan na tinaguriang ‘Echoland land deal.’
Sa anomalyang ito kinansela umano ang mga orihinal na titulo ng mga lupa sa isang lugar sa Davao upang palitan ng titulo na nakapangalan sa isang kumpanya na protektado umano ng power bloc.
Sakit ng ulo umano ng Pangulo ang grupong ito na ang donasyon sa kanyang kandidatura ay umaabot ng mula P20 milyon hanggang P50 milyon.
Kamakailan, inulan ng mapanirang balita si DENR acting secretary Ramon Paje na naglalayong puwersahin ang Pangulo na sibakin siya. Tinatakot umano si Paje upang huwag nang bulatlatin at pakialaman ang mga kaso sa DENR na nangyari noon pa.
Ayon sa mga impormante, kapuna-puna din na bukod kay DILG Sec. Jesse Robredo, tanging ang pangalan lang ni Paje ang hindi isinumite ni P-Noy sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments. Ito umano ay dahil sa impluwensiya ng MDG kay P-Noy.