MANILA, Philippines - Matapos ang 3 buwan, ibinaba na kahapon sa normal ang alert status ng AFP-National Capital Region Command (NCRCOM ), ang anti-coup unit ng militar sa buong bahagi ng Metro Manila.
Ayon kay AFP-NCRCOM Chief Brig. Gen. Tristan Kison, sa kasalukuyan ay wala na silang nakikita at namomonitor na banta sa seguridad kaya nagbaba na ng alerto mula sa red alert sa white alert status o normal.
“Alert level white means we’re back to normal security situation,” ani Kison na tiniyak pang patuloy ang kanilang pagbabantay upang pangalagaan ang seguridad sa Metro Manila.
Ang AFP-NCRCOM ay nagdeklara ng red alert status umpisa noong Oktubre 25 kaugnay ng ginanap na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na pinalawig kaugnay ng paggunita sa UNDAS hanggang sa kapaskuhan at nitong kapaskuhan.
Sa kabila nito, ayon kay Kison ay patuloy ang monitoring sa sitwasyon ng seguridad sa NCR at kung may pangangailangan na magtaas muli ng alerto ay kanila itong gagawin.