MANILA, Philippines - Naglabas na ng kautusan ang Mines and Geosciences Bureau hinggil sa pansamantalang suspensiyon ng Mineral Ore Export Permit (MOEP) na iginawad sa isang kompanyang nagngangalang Geo King Asia Mining Resources Corporation dahil sa illegal na operasyon.
Sa inilabas na suspension order na may petsang Jan. 6, 2011 ni Orlando Pineda, OIC Regional Director, Mines and Geosciences Bureau pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng Geo King Asia Mining Corp. na may tanggapan sa 18th floor ng Philamlife Tower, Paseo de Roxas, Salcedo Village, Makati City, bunsod na rin ng reklamong inihain ng mga kumpanyang minahan na kinabibilangan ng Consolidated Mines Inc. (CMI), Benguet Corp. (BC), Companhia Minera Tubajon, Inc. (CMTI) at Shyne Trading and Construction Supply (SCTS) laban sa Geo King kaugnay sa pagkakagawad ng Mineral Ore Export Permit (MOEP) ukol sa hinihiling sa pagpapalawig sa expired na 500,000 MT, MOEP at Ore Transport Permit ng Geo King.
Ilan sa naging isyu ng reklamo ay ang kawalan ng nararapat na papeles at permiso ng Geo King mula sa mga nabanggit na lehitimong minahan, ang panghihimasok sa produksiyon ng chromite sand mula sa tailings ng mga kumpanya, ang pagpapasok ng chromite material sa Port Baloganon sa Masinloc na wala ring kaukulang permiso mula sa Port Operator. Malinaw ding makikita sa mga Ore Transport Permit (OTP) ng Geo King na napakababa ng deklarasyon nila sa halaga ng chromite na kung papayagang makalabas sa bansa ay malulugi ang gobyerno dahil sa malaking kakulangan sa bayad na buwis.
Samantala, mahigpit na ipinagbabawal ng Philippine Port Authority ang pagkakarga ng higit kumulang sa 7,000 metriko toneladang low grade chromite sand sa MV Gold Eagle sa Port Masinloc na hindi muna daraan sa pagdinig o hihingi muna ng permiso.