2 grupo ng sekyu nagbarilan
MANILA, Philippines - Nauwi sa barilan ng dalawang grupo ng security agency makaraang mag-agawan sa binabantayang minahan sa Sitio Sparline, Brgy Larap, sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte kamakalawa.
Sa ulat na nakarating sa Camp Wenceslao Q. Vinzons Sr, bandang alas-11 ng umaga nang dumating sa Besimer Area, Gate 3 ng Yinlu Bicol Company sa Brgy. Larap ang walong security guards ng Gurkhas Security Agency sa pangunguna ni Manuel Rosales na sinasabing building caretaker ng nasabing kompanya.
Nabatid na nagkaroon nang pagtatalo ang Gurkhas Security Agency at ang nakapuwestong Jack Security Agency matapos na sabihin ng Gurkhas na sila ang lehitimong magbabantay sa nasabing minahan na inisnab naman ng Jack Security.
Dito nagkaroon ng sigawan hanggang sa magpaputok ng baril si Rosales na tinamaan sa kaliwang binti ang opisyal ng Jack Security na si Felizardo de Jesus.
Umabot ng halos ilang minutong palitan ng putok ang dalawang grupo ng security guard bago humupa kung saan narekober ng mga awtoridad ang mga basyo ng shotgun.
Kasalukuyang iniimbestigahan naman ng pulisya ang mga security guard ng Jack Security Agency na sina Edwin Helo, Peter John Evangelista, Jaime Caballero, Rodolfo Policarpio at si Erwin Urban habang tugis naman ang suspek na sina Rosales at ang kanyang mga kasamahang sekyu.
- Latest
- Trending