MANILA, Philippines - Mahigit sa 20,000 pamilya ang nabiyayaan ng murang pabahay ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri dahil na rin sa patuloy na pagbibigay ng magagandang serbisyo ng local government sa mga residente.
Kabilang sa mga pamilyang nabiyayaan ng proyektong ito ay ang mga nakatira sa tabing riles at mga mapanganib na lugar na agad na dinala sa relocation site na matatagpuan sa Tala at Bagumbong area upang doon magkaroon ng sariling bahay.
Inatasan na rin ni Echiverri ang mga tauhan ng Urban Poor Affairs Office (UPAO) na madaliin ang pagsasaayos ng papeles ng mga residenteng nabiyayaan ng murang pabahay nang sa gayon ay mahawakan na ng mga ito ang titulo na magpapatunay na pag-aari na ng mga ito ang kanilang tinutuluyan.
Naisakatuparan ang proyekto dahil na rin sa pakikipagtulungan ng mga may-ari ng lupa na ibinenta ng mura ang kanilang pag-aari sa lokal na pamahalaan na siyang tinayuan ng murang pabahay ng mga mahihirap na residente.