MANILA, Philippines- No cover-up!
Ito ang tiniyak kahapon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon laban sa ilang mga ‘misfits in uniform ‘ na nasangkot sa serious grave offenses at pagsira sa mahigpit na disiplina na pinaiiral ng institusyon.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz, mahigpit ang direktiba ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo na walisin sa kanilang hanay ang mga binansagang mga ‘bad eggs ‘ na sumisira sa imahe ng PNP.
Sa katunayan, ayon kay Cruz, bukas ( Enero 10 ) ay sisimulan na ang pagsasalang sa retraining partikular na sa ‘values formation’ at ‘code of discipline’ sa mga opisyal at miyembro ng Talavera Municipal Police Station (MPS) at ng Cainta Police sa Reformatory Training camp sa Clarkfield, Pampanga.
Ang Chief PNP, ayon pa kay Cruz ang mangunguna sa paghahatid sa mga pulis na isasalang sa re-training.
Ang nasabing mga pulis ay nasampulan kaugnay ng pamamamaril at pagkakapatay ni Inspector Bernardo Castro, Deputy Chief of Police ng Talavera MPS sa Nueva Ecija sa kaniyang hepe na si Supt. Ricardo Dayag noong Enero 1.
Samantalang dalawa namang bagitong miyembro ng Cainta Police ang nasangkot sa pagdukot at tangkang pagpatay sa isang buntis na pulis asset na pinagsasaksak ng 24 beses saka itinapon ang inaakalang patay ng ginang sa isang bangin sa lalawigan ng Laguna nitong huling bahagi ng Disyembre 2010.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Cruz ay patuloy ang pagtugis ng kanilang tracking team sa ilan pang mga pulis na tumakas matapos masangkot sa serious grave offenses.