6-M deboto dadagsa sa Pista ng Quiapo

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 6 milyong mga deboto na posibleng tumaas pa ang dadagsa ngayon upang makiisa sa taunang Pista ng Itim na Nazareno kung saan magsisimula ng parada sa Quirino Grandstand patungong Quiapo Church.

Ayon kay Chief of  Staff at Media Information Bureau Chief Ric de Guzman, nakipag-ugnayan na siya kay Chief Insp. Reynaldo Nava, hepe ng MPD Traffic Enforcement Unit kaugnay ng mga kailangang seguridad at paghahanda upang maging maayos ang tradisyunal na prusisyon ng mga deboto.

Sinabi ni de Guzman na plantsado na ang lahat ng mga kina­uukulang seguridad upang maiwasan ang anumang aberya kabilang na ang mga lubak at gulo sa panig ng mga deboto at sibilyan upang masilayan ang Black Nazarene.

Maging ang kinatawan ng simbahan ay patuloy din ang koordinasyon sa PNP hinggil sa naturang okasyon.

Kasabay nito, inilagay na ngayon sa pinamakataas na alerto ng National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) ang buong mga pulis sa Metro Manila kaugnay sa inaasahang milyun- milyong mga deboto na makikibahagi sa kapiyestahan ng Black Nazarene.

Sinabi ni NCRPO Chief Director Nicanor Bartolome, idineklara niya ngayong araw ang full alert upang maibigay sa Manila Police District (MPD) ang mga kinakailangang suporta.

Aniya, kahapon pa ay nagsimula na ang security coverage na magpapatuloy nga­yong araw hanggang sa matapos ang pista ng itim na Nazareno o kilala sa mga deboto bilang Nuestro Padre Jesus Nazareno de Quiapo.

Ayon kay Bartolome, naibigay na rin nila sa MPD ang dagdag na mga pulis mula sa iba’t ibang distrito sa Kamaynilaan upang matiyak na magiging maayos ang prusisyon na magmumula sa umaga sa Quirino Grandstand sa Rizal Park at magtatapos sa Quiapo church.

Sinabi pa ni Bartolome, na kung maaari ang mga matatanda na dadalo sa prusisyon ay dumistansiya lamang at huwag pumuwesto sa gitna ng prusisyon.

Nagbigay din ng payo si Bartolome na huwag ng magsuot pa ng mga alahas ang mga deboto, malala­king bag at iba pa na maaaring makasikip sa prusisyon at iwasan ring isama ang mga bata upang hindi maipit sa prusisyon.

Kaugnay nito, na­nawagan din si Manila City Administrator Jesus Mari Marzan sa mga masasamang loob na tigilan na ang kanilang masamang gawain at huwag samantalahin ang prusisyon ng Black Nazarene.

Nabatid na pagka­tapos ng isang misa ngayong umaga na pangungunahan ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, agad na tutulak ang prusisyon patungong Quiapo Church.

Ang Translacion ay reenactment ng biyahe ng imahe ng Black Nazarene mula Mexico patungong Manila. Matatandaan na noong 1607, isang Spanish priest ang pinaniniwalaang nagdala ng estatwa ng Black Nazarene sa Maynila.

Show comments