Witness protection ng DOJ rerepasuhin ng Senado
MANILA, Philippines - Nakahanay na sa rerepasuhin ng Senado ang witness protection program ng Department of Justice (DOJ) base sa resolusyong inihain ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto.
Sa Senate Resolution 319 ni Sotto, sinabi nito na kailangang repasuhin ang witness protection program upang hindi sumablay sa pagpili ng mga pagkakatiwalaan at gagastusang mga testigo.
Ang mga testigong sumasailalim sa WPP ay pinabibigyan ng gobyerno ng seguridad at escort, ligtas sa criminal prosecution, at sinasagot din ng gobyerno ang kanilang tirahan, pagpapagamot, edukasyon ng mga anak na menor de edad kapag namatay.
Sinabi ni Sotto na kailangan ng mahigpit na screening sa proseso ng WPP upang hindi masayang ang pondo ng gobyerno at upang makamit ang hustisya na siyang layunin ng programa.
Sa talaan ng DOJ, nagkaroon ito ng 148 na mga testigo sa ilalim ng WPP noong 2009 pero hindi naman lahat ay tumestigo sa korte sa takot na mapatay sila o madisgrasya.
May report din aniya na maluwag ang pagpili ng mga testio at maaaring luho na ang naibibigay sa ilang beneficiary ng programa sa ngayon.
Nakatakdang magbalik ang sesyon .ng Senado sa susunod na linggo kung saan inaasahang isa sa mga isasalang sa mga committee hearing ang resolusyon ni Sotto.
- Latest
- Trending