SUBIC FREEPORT, Philippines - Plano ng gobyerno na ipantay sa pasahe ng aircon bus ang magiging pasahe sa LRT at MRT.
Ayon kay Pangulong Aquino, babawasan na rin ng gobyerno ang subsidy nito sa LRT at MRT at ang matitipid ay gagamitin sa mga proyekto sa kanayunan.
Sabi ni PNoy, bagamat inaprubahan ang fare increase sa LRT at MRT ay mas makakatipid pa rin ang commuter dahil mas mabilis ang kanilang byahe sa mass transit transport kaysa sumakay sa bus.
Samantala, nais din ng gobyerno na pangalagaan ang mga investors at igalang ang mga kontratang pinasok kasunod ng pagtaas ng mga toll hikes sa SLEX at iba pang expressways sa bansa.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa ambush interview matapos nitong pasinayaan ang 2 bagong barko na yari ng Hanjin, obligado ang pamahalaan na igalang ang mga contractual obligations nito pero hindi naman nangangahulugan na pababayaan ang kapakanan ng mga Filipino motorists na dadaan sa mga expressways.
Anya, dumaan sa proseso ang hininging toll hike sa SLEX at iba pang expressways at tungkulin ng gobyerno na igalang ang nilagdaan nitong kontrata sa mga investors tulad sa SLEX.
Humahanap na umano ng solusyon ang gobyerno upang mapagaang naman ang papasanin ng mga motorista na apektado nito at isa sa opsyon ay gamitin ang kita sa PNCC upang makatulong na mapagaang ang pasaning ito ng mga motorista sa pamamagitan ng subsidy.