Abogado ni Ampatuan 'wag ilagay sa Comelec! - NPC
MANILA, Philippines - Mariing tinutulan ng liderato ng National Press Club ang pag-ugong sa pangalan ni Atty. Sixto Brillantes upang pumalit kay Atty. Jose Melo bilang chairman ng Commission on Elections.
Ayon kay Marlon Purificacion, National Vice President ng NPC, ang mga katulad ni Brillantes na may reputasyon bilang “tagalakad” sa mga kaso sa COMELEC ang siyang dahilan upang lalong pagdudahan ang integridad ng COMELEC bilang institusyon ng demokrasya.
“Oo nga at kilalang abogado ni Pangulong Noynoy Aquino si Brillantes. Dati kay Fernando Poe Jr.. Pero ang hindi alam ng marami, si Brillantes din ay naging abogado ni Andal Ampatuan Sr. nung tumakbo ito sa Maguindanao nung 2001. 2001 ng pumayagpag ang mga Ampatuan bilang warlord clan. Parang carinderia si Brillantes. Bukas sa lahat. Malinaw din na may conflict of interest sa dami ng kasong hawak ni Brillantes at kanyang law firm tungkol sa eleksyon,” sabi ni Purificacion.
Dagdag pa ni Purificacion, ang kailangan ng COMELEC ay yung walang duda sa kredibilidad at may kakayahang ipagpatuloy ang mga reporma sa komisyon tulad ng automation.
Hinikayat ni Purificacion si Pangulong Aquino na magtalaga ng mataas na standards o “batayan” sa pagpili ng COMELEC chairman at mga malapit ng mag retirong commissioners.
- Latest
- Trending