P20-B trabaho sa North Harbor kasado na!
MANILA, Philippines - Libo-libong trabaho ang tiyak na daragsa kaugnay ng P20 bilyong programa sa modernisasyon ng Manila North Harbor.
Ito’y matapos magkasundo ang San Miguel Corporation (SMC) at Manila North Harbor Port Inc. (MNHPI) nang karagdagang P20 bilyon para sa modernisasyon nito.
Ibubuhos ang naturang halaga sa pagtatayo ng mga bagong ‘depot’ na gagamitin ng Petron at ‘grains terminal’ at ‘bulk cement silos’ na gagamitin naman ng SMC, bilang bagong ‘business partner’ ng MNHPI.
Tatawagin umanong “San Miguel City” ang proyekto ng SMC habang malalagay naman bilang isa sa pinakamodernong pantalan ang North Harbor sa buong Timog-Silangang Asya sa sandaling makumpleto na ang buong proyekto, banggit naman ng MNHPI.
Ang MNHPI ay isang ‘joint venture’ ng Harbor Center Port Terminal, Inc. (HCPI) ng pamilya ng negosyanteng si Reghis Romero at majority owner naman ang Petron at SMC.
Noong isang taon, ganap nang binigyan ng gobyerno ang MNHPI ng awtoridad na gawing moderno ang mga pasilidad ng North Harbor na tinatayang aabot sa P14.5 bilyon.
Ang bagong kasunduan ng SMC at MNHPI ay inaasahan namang magdudulot ng dagdag na sigla sa paligid ng North Harbor, partikular sa pagbibigay ng dagdag na trabaho dahil ang P20 bilyong bagong gastusin ng SMC ay bukod pa sa halagang inilaan ng MNHPI sa modernisasyon nito.
Una nang sinabi ng MNHPI na ang P14.5 bilyon ay gagastusin para sa rehabilitasyon ng mga pier sa North Harbor, pagpapalawak ng ‘operational area’ nito at paglalagay ng mga ‘world class facilities’ na puwedeng ipagmalaki ng mga Pilipino.
- Latest
- Trending