MANILA, Philippines - Nasa procedural ground umano ang naging basehan ng Office of the Solicitor General sa international arbitration body sa pagpapatayo at operasyon ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 at wala itong kinalaman sa isyu naman ng claim para sa danyos na hinihingi ng Fraport AG Frankfurt Worldwide Services.
Ayon kay Solicitor General Anselmo Cadiz, ang naging desisyon ng ad hoc committe ay hindi naman nagsasabi na liable o may sala ang Philippine government para bayaran ang Fraport.
“Binibigyan lang ng desisyon ang Fraport ng pagkakataong makakuha ng bagong arbitration at makapagharap muli ito ng reklamo. Gayunman, may karapatan pa rin ang Pilipinas na magharap ng ebidensya laban sa Fraport,” sabi ni Cadiz.
Sa desisyon na ipinalabas noong Disyembre 23 ng ad hoc committee na US-based International Centre for Settlement of Investment Disputes (ICSID), ibinasura nito ang ICSID Award noong August 2007 matapos mapatunayan na nabigo ang ICSID Tribunal na magbigay ng sapat na panahon sa dalawang partido upang makapagpaliwanag at magprisinta ng ebidensya sa naganap na Anti Dummy criminal proceedings na ginawa ng DOJ Special Prosecutor.
Ang Fraport ang primary investor sa PIATCO na siyang nagtayo at nag-ooperate ngayon ng NAIA Terminal 3.
Mula 2002 ay ilang kasong civil at kriminal ang inihain laban sa PIATCO at Fraport dahil sa paglabag nito sa ilang batas.
Kasunod nito ay naghain ang DOJ, Office of the Ombudsman at Anti-Money Laundering Council ng kaso laban sa mga opisyal ng PIATCO at Fraport dahil sa paglabag sa Anti-Dummy Law at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang Fraport ay humihingi sa pamahalaan ng $425M danyos at naghain ng kontra kaso laban sa pamahalaan.