MANILA, Philippines - Tinanggap ni Vice President Jejomar C. Binay ang pagsasampa ng kasong illegal recruitment at estafa laban sa dalawang British national at isang Pilipino na naunang inaresto ng Task Force Illegal Recruitment ng Office of the Vice President.
Ang kaso na isinampa sa sala ni Judge Honorio Lao noong Disyembre 21 ay hindi puwedeng piyansahan.
“Simula lang ito. Ipagpapatuloy namin ang pagpapalakas sa kampanya ng administrasyong Aquino laban sa illega; recruitment at human trafficiking,” sabi ng Bise Presidente.
Inatasan ni Binay ang Philippine National Police na pag-ibayuhin ang pagtugis sa isa pang suspek na Briton na si Niel Couthman at kay Jamilla Cabugatan.
Napatunayan sa preliminary investigation ng Makati Prosecutors Office na nagkasala ng large scale illegal recruitment ang mga Briton na sina Simon John Paice at Nicholas John Vickers at isang Pilipino na si Bernadette Cerrudo. Kinasuhan din sila ng estafa.
Sinasabing hiningan umano ng mga akusado ng hanggang P1.7 milyon ang mga biktima para sa processing at placement fees pero hindi naman naipadala ang mga ito sa United Kingdom.
Magtatrabaho raw sanang domestic helper, caregiver o driver ang mga biktima na pinangakuan ng sahod na mula P80,000 hanggang P100,000 kada buwan.