MANILA, Philippines - Matapos umani ng pagbatikos, handa na si Justice Secretary Leila De Lima na magtungo sa Hong Kong para personal na harapin ang imbestigasyon ng Hong Kong government kaugnay ng naganap na Aug. 23, 2010 Quirino Grandstand hostage crisis.
Ayon kay de Lima, bilang pinuno ng Incident Investigation and Review Committee wala siyang choice kundi personal na humarap sa imbestigasyon.
Naghihintay na lamang umano siya ng go signal mula kay Pangulong Benigno Aquino III kaugnay sa memorandum na una na niyang isinumite sa Palasyo.
Sinabi ng kalihim na humingi na rin sila ng paglilinaw kung sakop ng Mutual Legal Assistance Treaty ang pagpapadalo sa 116 testigo sa Hong Kong.
Sa ilalim ng nasabing treaty, maaari lamang tulungan ng pamahalaang Pilipinas ang Hong Kong government sa pagpapadala ng summons sa mga testigo subalit hindi nila maaaring pwersahin ang mga ito na magtungo sa nasabing bansa.