5 milyon dumagsa sa Rizal Park
MANILA, Philippines - Nararamdaman na ng publiko ang pagbabalik sa dating glorya ng Luneta o Rizal Park, sa Maynila na dinagsa ng halos 5 milyong katao simula lamang noong bisperas ng Pasko at bisperas ng Bagong Taon.
Naging mapayapa naman ang maayos ang seguridad sa buong parke na patuloy pang dinadagsa dahil na rin sa sapat na security force ng park tourist police.
Sinabi ni National Parks Development Committee (NPDC) executive director Juliet Villegas, ang ipinakitang suporta at pagpunta ng publiko sa pamosong parke ng Pilipinas ay isang senyales na unti-unti nang naibabalik ng Department of Tourism at NPDC ang tiwala ng mamayan na ligtas at higit na kaaya-aya ang pagpunta sa Rizal Park.
Bagaman may mga batang napawalay sa kanilang pamilya na umabot umano sa 90 ang bilang subalit agad ding naibalik sa kanilang mga magulang ng mga security ng parke.
Inaasahan din umano nila na hindi maiiwasan ang pagtambak ng basura sa kabila ng mga panawagan dahil sa mga pinagkainan ng mga nagsipasyal, na umabot sa 2 tonelada ang kanilang ipinahakot.
Nabatid na 1st phase pa lamang ang nakumpletong renovation sa Children’s place at Musical Dancing Fountain at inaasahang sa Marso 2011 ay makukumpleto na ang mga renovation, na lalo pang magbibigay ng atraksiyon sa mga bumibisita, pahayag naman ni Kenneth Montegrande, NPDC Media Information chief.
- Latest
- Trending