Singson masu-swak sa 'life'

MANILA, Philippines - Posibleng mapatawan ng life imprisonment si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson dahil sa kinakaharap na kasong drug trafficking sa Hong Kong kapag itinuloy ang planong paghahain ng guilty plea nito sa HK court sa Enero 26.

Kamakalawa ay inamin ng abogado ni Singson, 42, na si Jhon Reading na maghahain ng guilty plea o aaminin ng kongresista ang kanyang pagkakasala sa pagpupuslit ng illegal na droga sa itinakdang pagdinig sa nasabing araw sa Wan Chai District court.

Sa ilalim ng batas ng China, kung saan sakop nito ang Hong Kong ay may katapat na parusang habambuhay na pagkabilanggo ang kasong drug trafficking at multang HK$5 milyon o US$643,000.

Samantala, ang maximum penalty para sa possession of dangerous drugs sa HK ay may multang HK$1-M o US$129,000.

Magugunita na inaresto si Singson habang papasok sa Hong Kong International Airport noong Hulyo 11, 2010 matapos na makuha sa kanyang hand carry bag ang 26.1 gramo ng cocaine at 2 tableta ng Valium.

Bunga nito, nag-alok ang kampo ni Singson sa prosekusyon na maibaba ang kanyang kasong drug trafficking sa drug possession na tinanggihan ng prosecution at iginiit na nagpuslit ng illegal na droga ang kongresista papasok sa Hong Kong.

Bagaman sinasabi ni Singson na biktima lamang siya ng frame-up ay ipinaliwanag nito sa korte na para sa kanyang sariling paggamit ang dala nitong droga.

Bukod kay Singson, nakatakda ring iharap ng depensa ang dalawa hanggang sa tatlo nitong testigo.

Show comments