Sobra-sobrang consultants sisibakin na ng DepEd
MANILA, Philippines – Magbabawas na ang Department of Education (DepEd) ng sobra-sobrang consultants sa ahensya na hindi na nakakatulong sa kanilang prayoridad sa darating na 2011.
Sinabi ni DepEd spokesman at Undersecretary Alberto Muyot, inumpisahan na nilang hindi i-renew ang kontrata ng ilang mga consultants nila para maisaayos ang kanilang operasyon habang pinanatili naman ang kontrata ng iba na ang serbisyo ay ayon sa kanilang mga proyekto.
Nilinaw ni Muyot na patuloy ang ebalwasyon ng ahensya sa kanilang mga kinuhang consultants kung saan binibigyang prayoridad ang kakayahan nito at kung paano aakma sa direksyong nais puntahan ng administrasyong Aquino kahit na nakuha ang serbisyo ng mga ito noon pang nakaraang administrasyon.
Matatandaan na pinalagan ng DepEd Employees Union ang sinasabi nilang 700 consultants ng DepEd nitong nakaraang Hulyo na kumakain umano sa “savings’ ng ahensya para sa mga regular na empleyado.
Marami umano sa mga consultants na ito ang nadodoble lamang ang trabaho na kaya namang gampanan ng mga regular at mga beterano nang empleyado ngunit hindi binibigyan ng konsiderasyon ng pamunuan ni Secretary Armin Luistro na nagdala ng sarili nitong “team” sa ahensya.
- Latest
- Trending