MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) na ‘kabaro’ nila ang mismong may-ari ng mga panindang iligal na paputok na naglipana sa Divisoria market sa Binondo, Maynila.
Ito’y matapos ang ilang araw na pagsalakay ng mga tauhan ni Senior Supt. Nelson Yabut ng Manila Police District-District Mobile Group, sa kahabaan ng Juan Luna, Ilaya at iba pang kalye sa Binondo na pinutakte umano ng mga illegal firecrackers tulad ng ‘Goodbye Earth’, ‘Goodbye Philippines’, ‘Goodbye Universe’ , ‘plapla’ at iba pang malalakas na uri ng paputok kabilang ang nangungunang sanhi ng pagkakasugat ng mga bata na ‘piccolo’.
Sinabi ni Yabut na may kautusang ibinaba si National Capital Region Police Office (NCRPO)director C/Supt. Nicanor Bartolome na nag-aatas sa MPD na hulihin at kumpiskahin ang mga iligal na paputok.
Katunayan ay nakatatanggap na umano siya ng maraming tawag hinggil sa pang-aarbor umano ng kapwa mga pulis sa mga kinumpiskang paputok. May ilan umanong protector at ilan din ang mismong may negosyo nito.
Hinihintay niya lamang umanong lumutang ang mga umaarbor na mga pulis upang kasuhan niya dahil hindi niya umano ibabalik ang mga paputok na nakatakdang dalhin sa NCRPO upang basain.
Nabatid naman kay Yabut na nang mangumpiska sila kahapon ng umaga kasama ang mga tauhan ng NCRPO, nagsama na rin sila ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) upang mapigilan ang anumang pagtatangka na umalma ang mga pulis na kabilang sa nagtitinda ng paputok.
Halos milyong halaga na ng iligal na paputok ang nasa kustodiya ni Yabut.