MANILA, Philippines - Inaarbor umano ng isang opisyal sa Chinese Embassy ang ipinasarang pabrika ng harina na nauna nang sinalakay ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Valenzuela City kamakailan.
Ayon sa source na tumangging magpabanggit ng pangalan, nadiskubre umano ng mga taga PNP-CIDG na kapatid ng Filipino-Chinese businessman ang major stock holder ng Marco Polo Flour Mills Inc. na ni-raid ng mga awtoridad.
Sa lakas umano ng impluwensiya ng Tsinoy na may-ari ng malalaking negosyo sa Maynila, nakipagpulong ito sa Chinese Embassy official upang maging daan naman para umano kausapin si Chief Justice Renato Corona.
Sinabi pa ng police sources na sa pamamagitan ni Chief Justice Corona, pinakakansela umano nito kay Manila Executive Judge Amor Reyes ang search warrant na inisyu nito laban sa Marco Polo.
Sakaling makansela, sinabi ng CIDG na malaki ang kanilang magiging problema dahil kapag nakansela ang search warrant, mababalewala ang demanda nila sa Marco Polo at posibleng mapilitan silang ibalik ang mga kinumpiskang contaminated flour.
Nauna rito, ipinasara ng Valenzuela City government ang Marco Polo matapos madiskubreng wala itong lisensiya, Environmental Clearance Certificate, DTI permit at BIR registration.
Maging ang Food and Drugs Administration ay pumasok na rin sa imbestigasyon dahil sa pagkakatuklas na pagkaing pang-hayop ang isinasangkap ng Marco Polo sa kanilang mga produkto sa mismong planta nito sa No. 53 Planters St., Rincon Compound, Valenzuela City.