MANILA, Philippines - Hindi sasalubungin ng mataas na pasahe sa Light Rail Transit at Metro Rail Transit ang mga mananakay nito sa taong 2011.
Ito ang sinabi kahapon ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Undersecretary Dante Velasco kung saan ikinatwiran na dadaan pa umano sa deliberasyon ang LRTA Board ang anumang pagtataas sa pasahe sa mass transit.
Bukod dito, kinakailangan pang isailalim sa “public hearing” ang anumang halaga ng pagtataas sa lahat ng sektor sa transportasyon upang hindi magkaroon ng kalituhan at reklamo.
Nitong nakaraang Martes, sinabi ni Transportation Secretary Jose de Jesus na posibleng bulagain ng bagong halaga sa pasahe ang mga sumasakay sa LRT at MRT sa Enero ngunit hindi naman umano magiging malaki ang pagtataas.
May mga ulat na aakyat sa P18 ang minimum na halaga ng pasahe at hindi tataas sa P30 ang maximum. Ngunit sinabi ni Velasco na kailangan pa umanong rebisahin at muling magkaroon ng komputasyon upang makarating sa eksaktong halaga na makukuha ang presyo para sa gastusin sa mass transit at hindi mahirapan ang mga pasahero.
Unang pumutok ang isyu ng pagtataas sa pasahe sa LRT at MRT nang targetin ng Malacañang ang pagbabawas sa subsidiya na ibinibigay ng pamahalaan upang makatipid sa pondo. Sa ilalim ng naturang sistema, pinupunan ng gobyerno ang pagkukulang sa kita ng LRT at MRT na buhat naman sa buwis ng lahat ng Pilipino kahit hindi nakikinabang sa mass rail transit.
Bumibiyahe ang LRT 1 mula Roosevelt sa Quezon City hanggang Baclaran, Pasay City; ang LRT 2 mula Santolan, Marikina hanggang Recto, Maynila; at MRT 1 mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Ave., Pasay City.