MANILA, Philippines - Pumalag kahapon ang liderato ng Philippine Army sa demand ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na tanggalin ng gobyerno ang ‘terror tag’ laban sa kanilang grupo upang umusad muli ang naunsyaming peace talks.
Matapang na sinabi ni Army Spokesman Col. Antonio Parlade na kung ang kanilang hanay ang tatanungin ay dapat patunayan muna ng mga rebelde na sinsero ang grupo nito sa usapang pangkapayapaan bago tanggalin ang terror tag.
“They are using landmines, this is an act of terrorism, they must stop sowing terror and show sincerity in the government peace efforts,” pahayag ni Parlade.
Tinukoy ni Parlade na bago ang pagsisimula ng 19 araw na ceasefire noong Disyembre 16 ay nasangkot sa paggamit ng landmine ang NPA rebels sa Catubigan, Samar na ikinasawi ng 10 sundalo at ng 9-anyos na batang lalaki.
Samantalang habang umiiral ang ceasefire ay nasangkot na sa apat na insidente ng paglabag ang NPA rebels kabilang ang pananambang sa tropa ng mga sundalo na susundo sana sa grupo ng mga susukong rebelde sa San Jose, Occidental Mindoro noong Disyembre 23.
Pabor din ang Army na talakayin sa paghaharap sa negotiating table ng magkabilang panig ang talamak na pangingikil ng revolutionary tax ng NPA rebels.