MANILA, Philippines - Umpisa sa susunod na linggo tatanggap na ang Department of National Defense (DND) ng aplikasyon para sa amnestiya ng mga rebeldeng sundalo at ng kanilang mga sibilyang supporters kaugnay ng tatlong insidente ng kudeta laban sa nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Defense Spokesman Ed Batac, bago magkabisa ay kailangan munang mailathala ang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa mga pahayagan ang Presidential Proclamation No. 50 bago sila magsimulang tumanggap at magproseso ng amnestiya.
Sa kabila nito, sinabi ni Batac na walang katiyakan na mabibigyan lahat ng amnestiya ni Pangulong Aquino ang mga mag-a-apply na mutineers.
Samantalang matapos tanggapin ang aplikasyon ay kailangang bawiin lahat ng mga mutinees ang kanilang mga pahayag hinggil sa kasong kinasangkutan ng mga ito kung saan sa grupo nina dating Marine Commandant ret. Major Gen. Renato Miranda at Army Scout Ranger ret. Brig. Gen. Danilo Lim ay ang mga pagbatikos laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ang grupo ni Miranda ay nasangkot sa mutiny na nilitis sa AFP General Court Martial matapos na akusahan si dating Pangulong Arroyo na peke at sangkot sa talamak na korapsyon.
Kabilang sa mga mutineers ay ang grupo nina dating Navy Lt. Sr. Grade at ngayo’y Senador Antonio Trillanes IV na nasangkot sa Oakwood mutiny noong Hulyo 27,2003; Manila Peninsula siege noong Nob. 29, 2007 at Pebrero 2006.
Alinsunod sa probisyon ng naturang proklamasyon, ang mga may ranggong Technical Sergeants ay maaring makabalik sa serbisyo habang ang mga matataas ang ranggo ay malabo na dahilan karamihan sa mga ito ay pawang mga retirado na.
Sa kaso naman ng 40 enlisted personnel ng Army Scout Ranger na dinismis sa serbisyo dahilan mga tauhan ang mga ito ni Lim, sinabi ni Batac na maari pa rin ang mga itong mag-apply para sa amnestiya.