MANILA, Philippines - Nanawagan si Environment and Natural Resources Secretary Ramon J.P. Paje sa publiko na huwag magpaputok at magsunog ng gulong sa pagsalubong sa Bagong Taon sapagkat ang usok na ibinubuga nito ay naglalabas ng carbon monoxide at iba pang nakalalasong metal tulad ng zinc na delikadong malanghap ng tao.
Ipinaliwanag ni Paje na dahil sa paputok kumakalat ang ilang maliliit na piraso ng papel at naglalabas din ito ng alikabok kapag sumabog.
Sinabi ni Paje na delikado pa ang mga substansiya na taglay ng mga paputok tulad ng sulfur, charcoal at iba pang sangkap na kapag humalo sa oxidants ng hangin ay lumilikha ng carbon dioxide, carbon monoxide at nitrogen dioxide na greenhouse gases.
Itinataas din anya ng paputok ang bilang ng coarse particulates o pollutants na nagdudulot ng kumplikasyon sa mga sakit sa baga.
Pinalalala rin ng malamig na klima ang maitim na usok mula sa paputok dahil itinutulak ng lamig ang pollutants pababa sa lupa.
Sa halip na paputok, iminungkahi ni Paje na lumikha na lamang ng ingay gamit ang mga mas ligtas at makakalikasang kagamitan.
Nagsimula ang tradisyon ng paggamit ng paputok sa mga Tsino, ngunit ngayon, maging ang pamahalaan ng Tsina ay nagpahayag na sa pagkakaroon ng firecracker at fireworks ban mapipigilan ang paglala ng polusyon sa buong mundo.