MANILA, Philippines - Dapat umanong tutukan sa taong 2011 ni Pangulong Noynoy Aquino ang pagbibigay ng hanapbuhay sa mga mahihirap upang maiwasan ang pagdami ng mga batang rebelde sa kanayunan.
Ito ang binigyang diin ni Apostolic Vicariate ng Jolo, Sulu Bishop Angelito Lampon kung saan sinabi nito na ito‘y isang hamon na dapat tugunan ng administrasyong Aquino sa susunod na taon at upang maiwasan ang pagdami ng mga batang miyembro ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay Bp. Lampon, nakalulungkot ang katotohanang maraming mga inosenteng bata ang nasasangkot na sa rebelyon dahil sa kagutuman at hirap sa buhay na kanilang nararanasan.
Pinayuhan din ng Obispo ang pamahalaan na lumikha ng maraming developmental projects at livelihood programs sa mga mahihirap sa kanayunan upang hindi na lumala pa ang insurgency sa bansa.
Naniniwala naman si Lampon na gumagawa ng paraan ang Pangulo upang mapanatili ang kapayapaan sa bansa.