MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Nicanor Bartolome na hindi na mauulit ang Rizal day bombing sa Metro Manila noong 2000 na ikinasawi ng 22 katao at nasa100 ang sugatan.
Ayon kay Bartolome, malabo ring umabot sa Metro Manila ang pambobomba sa Sacred Heart Cathedral sa Jolo, Sulu noong Pasko na ikinasugat ng 11 katao kabilang si Fr. Rick Baculcol.
Kahapon ay nagsagawa ng pag-inspeksiyon si Bartolome sa MRT at LRT stations kasama ang mga opisyal ng Light Rail Transit Administration (LRTA), District Directors Chief Supt. Benjardi Mantele ng Quezon City Police District (QCPD); Chief Supt. Roberto Rongavilla ng Manila Police District (MPD) at Chief Supt. Edgardo Ladao ng Northern Police District (NPD).
Binaybay nila ang biyahe mula MRT, Cubao hanggang MRT Edsa sa Pasay kung saan mula dito ay tinahak naman ang biyahe ng LRT 1 mula Edsa station.
Sunod nilang ininspeksyon ang Blumentritt station kung saan naganap ang Rizal day bombing noong Dis. 30, 2000 saka tinungo ang Balintawak station bago tinungo ang Monumento Station na dito’y ipinoste naman ang isang X-ray machine.
Umaabot sa tig-kalahating milyong commuters ang regular na sumasakay sa MRT at LRT pero dahil marami ang nakabakasyon ay umabot lamang sa 400,000 ang mga pasahero ng tren.
Nanatili sa full alert status ang kapulisan sa Metro Manila na tatagal hanggang sa pagtatapos ng taon.