Ayon sa Pangulo:Walang clemency sa mga bilanggo
MANILA, Philippines - Walang clemency ngayon sa mga preso.
Tinanggihan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino ang paggagawad ng clemency o pagpapalaya sa may 100 preso sa buong bansa kahit meron na itong rekomendasyon ng Board of Pardon and Parole.
Sinabi ng Pangulo na nalulungkot siya na hindi niya pinayagang makalaya ang naturang mga preso pero binanggit niya na karamihan sa mga ito ay nasentensyahan sa mga kasong panggagahasa, tangkang panghahalay at pagkakasangkot sa bawal na gamot.
Nais muna niyang tiyakin na hindi na magiging panganib sa komunidad ang mga preso kapag pinalabas sila sa bilangguan.
“Syempre merong good conduct allowance...Kung ikaw siga-siga sa labas, malamang pagpasok mo sa preso, mawawala iyon,” sabi pa ng Punong-Ehekutibo.
Kasabay nito, iniutos ng Pangulo sa mga kinauukulang ahensya na repasuhin ang mga panuntunan sa paggagawad ng commutation of sentence.
Tradisyon na sa Pilipinas na nagpapalaya ng preso ang pangulo bago sumapit ang Pasko.
Sinabi pa ng Pangulo na ibig niyang marepaso ang mga patakaran sa clemency o pardon o pagpapaikli sa sentensya ng isang preso dahil, sa Amerika, ang mga nahatulan ng life sentence ay buong term nito ang kanyang pagdurusahan at hindi lamang kalahati ng kanyang sentensiya at hindi dahil lamang sa kanyang good behavior sa kulungan.
Ipinaliwanag pa ng Pangulo, nais niyang maging bahagi din ang mga offended family ng mga bilanggong ito sa gagawing rebyu sa pagbibigay ng pardon o parole.
Atubili ang Pangulo na magbigay ng executive clemency sa mga rapist at drug pusher.
- Latest
- Trending