Pabrika ng 'killer harina' ipinasara

MANILA, Philippines - Ipinasara na ng Valenzuela City government ang pabrika na gumagawa umano ng mga kontaminadong harina ilang araw matapos salakayin ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region at madiskubreng walang mga kaukulang lisensiya para sa kanilang operasyon.

Mismong si Food and Drugs Director Nazarita Tacandong ang nagkumpirma na walang lisensiya para mag-produce ng harina ang Marco Polo Flour Mill na nasa No. 53 Planters St, Rincon Compound, Malinta, Valenzuela.

Nauna na ring lumitaw sa pagsusuri ng  FDA na hindi ligtas ang produkto ng Marco Polo dahil gumagamit umano ito ng wheat feeds na para lamang sa hayop sa halip na wheat flour na karaniwang ginagamit sa harina para sa mga tinapay at noodles.

Sa utos ng Valenzuela City Business Permit and Licensing Office, pinatigil din nito ang anumang ope­rasyon sa loob ng pabrika dahil sa mga paglabag nito sa batas tulad ng kawalan ng Mayor’s Permit,  DTI permit, business permit and registration mula sa Bureau of Internal Revenue.

Bago ipinasara ng city government, ni-raid ng PNP-CIDG ang natu­rang flour factory sa bisa na rin ng search warrant na inilabas ni Manila Executive Judge Amor Reyes matapos magpositibo ang reklamo ng testigo sa mga umano’y illegal na paggawa ng harina ng Marco Polo.

Inalerto rin ng Philippine Association of Flour Millers (PAFMIL) ang DTI sa pagkalat sa merkado ng mga harinang gawa ng Marco Polo na dapat aksiyunan sa lalong madaling panahon dahil sa peligrong dulot nito sa kalusugan ng mga tao.

Sa record ng Securities and Exchange Commission, kabilang sa mga incorporators ng Marco Polo ay ang Chinese nationals na sina Shibao Wang, Yan Ju, Fil-Chinese na sina Sally Chen, Ramon Ong at Steve Chua.

Show comments