Philippine Sports University gustong itatag sa bansa
MANILA, Philippines – Dahil maituturing na “ambassadors of goodwill” at simbolo ng karangalan ng bansa ang mga atleta, nais ni Senator Edgardo Angara na magkaroon ng isang Philippine Sports University sa Pilipinas na huhubog sa mga manlalaro at pormal na magtuturo ng sports education.
Ginawa ni Angara ang panukala matapos lumikha ng pangalan ang Philippine national football team na “Azkals” sa Asian football scene.
Ayon kay Angara, chairman ng Senate Committee on Education, kulang na kulang ang suporta ng gobyerno sa mga atleta lalo na sa pagbibigay ng kinakailangang training.
Sinabi ni Angara sa kaniyang Senate Bill No. 48 o “Philippine Sports University Act” kung magkakaroon ng isang paaralan na para lamang sa mga atleta mas mapagtutuunan ng pansin ang kakayahan ng mga ito lalo na sa pagsabak sa mga international na laban.
Kapuna-puna aniya na palaging nangungulelat ang Pilipinas sa mga karatig bansa pagdating sa area ng sports development.
“We can see that the Philippines is lagging behind its neighbors in Asia in the area of sports development. The football teams from Thailand, Singapore and Indonesia are showing amazing progress resulting from the prioritization of their countries’ sports programs,” ani Angara.
Dahil ang mga atleta aniya ang sumisimbolo sa national pride ng bansa, dapat lamang na bigyan ang mga ito ng atensiyon at suporta ng gobyerno upang maging pinakamagaling na mga manlalaro sa mundo.
Kabilang umano sa inirereklamo ng “Azkals” ang kawalan ng mga training facilities at resources, na katulad din halos ng reklamo ng iba pang atleta sa mundo ng Philippine sports.
Hindi aniya dapat masayang ang mga international recognition na nakuha ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga matagumpay na laban ni Saranggani Rep. Manny Pacquiao at Efren “Bata” Reyes.
Ani Angara, panahon na upang magkaroon ng “overhaul” sa sports education sector.
- Latest
- Trending