Anti-smoking sa Caloocan pinaigting
MANILA, Philippines – Higit pang pinaigting ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa paninigarilyo sa mga ipinagbabawal na lugar partikular na sa loob ng city hall at mga pampublikong sasakyan.
Sa ipinalabas na memorandum ni Echiverri, mahigpit nang ipagbabawal ang paninigarilyo sa loob at compound ng city hall, pampublikong sasakyan at maging sa mga matataong lugar sa buong lungsod.
Ang aksiyon na ito ng alkalde ay base na rin sa pagsuporta sa Republic Act 9211 na mas kilala sa tawag na Tobacco Regulations Act of 2003.
Sinumang residente na mahuhuling naninigarilyo sa mga ipinagbabawal na lugar ay pagmumultahin ng P500 hanggang P1,000 para 1st offense; P1,000-P5,000 sa 2nd offense at P5,000-P10,000 para sa ikatlong pagkakataon.
Bukod sa parusang ito ay posible ring matanggal sa trabaho ang mga empleyado partikular na ang mga consultants at job order (JO) na mahuhuling naninigarilyo sa loob at compound ng city hall.
Ang Caloocan ay isa sa pitong lungsod sa Metro Manila na tinaguriang G7 na sumusuporta sa RA 9211 na kinabibilangan ng Makati, Mandaluyong, Manila, Pasig, Marikina at Quezon City.
- Latest
- Trending