MANILA, Philippines – Sa kabila ng pinahintulutan na ng korte na magpiyansa ng P100,000, sa kulungan magpa-Pasko ang detenidong si Marine Capt. Nicanor Faeldon na kabilang sa mga sundalong nasangkot sa dalawang bigong pag-aaklas sa nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Faeldon na nasa kustodya ng “Marine Brig’ detention cell ng Philippine Marines sa Fort Bonifacio, Taguig City, bigo pa siyang makalikom ng pang-piyansa at ang fund raising para sa kaniyang pampiyansa ay hindi sapat dahil piso-piso lamang ito.
Sa kabila nito, masaya si Faeldon sa naging desisyon ni Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 Judge Oscar Pimentel na payagan siyang magpiyansa para sa kaniyang pansamantalang kalayaan habang naga-apply para sa kaniyang amnestiya.
Nitong Huwebes ay nabigong makalikom ng P100,000 si Faeldon habang natapat naman sa holiday ang Disyembre 24 at 25.
Umaasa si Faeldon na makalabas ng kulungan sa lalong madaling panahon para makasama naman niya ang kaniyang pamilya sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Bukod sa Oakwood mutiny noong Hulyo 27, 2003 nakasuhan din si Faeldon ng rebelyon dahil sa pagkakasangkot sa Manila Peninsula siege noong Nobyembre 29, 2007.
Si Faeldon ay naunang nakulong sa Oakwood mutiny pero tumakas noong Disyembre 14, 2005 at nasakote naman noong Enero 27, 2006.
Sa pangalawang pagkakataon ay muling tumakas si Faeldon, kasama ang tatlo pang lider ng Magdalo sa nangyaring siege sa Peninsula Manilao noong Nob. 29, 2007 at sumurender naman sa mga opisyal ng militar noong Hulyo 7, 2010.
Kabilang si Faeldon sa mga ginawaran ng amnestiya ni Pangulong Noynoy Aquino ngunit sa susunod na taon pa ito magiging epektibo.
Nitong Lunes ay pinalaya na rin si Sen. Antonio Trillanes IV matapos ang mahigit pitong taong pagkakakulong.