MANILA, Philippines – “Ningas cogon” lamang umano ang pagsisiyasat ng kagawaran ng Bureau of Fire Protection (BFP) kaya maraming nakakalusot na mga establisimyento para makapag-operate ng iligal sa kanilang negosyo.
Ito ang inamin ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo bunsod ng naganap na sunog sa Bed and Breakfast Pension House sa Tuguegarao City na ikinasawi ng may 16 katao kabilang ang siyam na nursing graduates na nakatakda sanang kumuha ng board exam ng nasabing araw.
Ayon kay Robredo, kung naging maayos lang ang pagpapatupad ng batas kaugnay sa fire safety code at inspection sa mga gusali hindi anya sana humantong pa sa malagim na trahedya ang naturang insidente.
Dahil sa pangyayari, nagbanta si Robredo na buburahin nila ang ningas cogon na pag-uugali umano ng hanay ng mga BFP dahil hindi lamang umano ari-arian ang nawawala sa sandaling magkasunog kundi maging buhay ng mga taong nadidisgrasya dahil sa kanilang kapabayaan.
Sa kaso naman ng nasunog na pension house, papanagutin niya ang lahat ng sangkot sa nasabing trahedya maging ang provincial fire marshal nito at iba pang opisyales ng lokal na pamahalaan sa lugar.
Nagtataka si Robredo kung bakit nag-operate ang naturang gusali sa kabila ng kawalan nito ng mga dokumento halimbawa ang mayor’s permit.