MANILA, Philippines – Naging mainit ang muling paghaharap nina dating National Bureau of Investigation (NBI) directors Epimaco Velasco at Mariano Mison sa unang araw ng kanilang paghaharap kaugnay sa ginagawang re-investigation ng Vizconde massacre case.
Ito ay matapos na deretsahang sabihin ni Mison kay Velasco na hindi tamang busisiin nito ng husto ang mga testimonya ng testigo na si Jesica Alfaro dahil sa wala naman itong nalalaman sa kaso.
Kinuwestyon din ni Mison kung bakit tila ipinagtatanggol ni Velasco ang kampo ni Hubert Webb.
Matatandaan na si Velasco ang pinuno ng NBI noong 1992-1995 habang si Mison naman ay noong 1996.
Iginiit pa ni Mison na ang tinutukan lamang umano ng imbestigasyon noong panahon ni Velasco ay ang mga construction workers na sinasabing salarin sa naturang krimen.
Subalit sa panahon ni Mison ay sumentro naman ito sa grupo ni Webb kung saan pinagbatayan ang testigo ni Alfaro.
Kaugnay nito, iminungkahi naman ni Mison sa binuong inter-agency ng Department of Justice (DOJ) na pag-aralang mabuti ang desisyon ng Parañaque Regional Trial Court, Court of Appeals at dissenting opinion ng ilang Mahistrado ng Korte Suprema na nagsasabi na ang grupo ni Webb ang responsable sa pag-masaker sa mag-iinang Estrelita, Jennifer at Carmela na ginahasa pa bago pinatay.
Tumagal din ng halos 4 na oras ang paghaharap ng dalawang dating mataas na opisyal ng NBI sa komite na nagsimula noong Miyerkules dakong alas-2 ng hapon at natapos bandang alas-6 gabi.