MANILA, Philippines - Hindi umano dapat na pagtaguan ng mga ninong at ninang ang kanilang mga inaanak ngayong Pasko.
Ito ang apela ni Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa mga ninong at ninang, dalawang araw bago ang mismong araw ng Pasko.
Bahagi na ng kultura sa Pilipinas ang pagdalaw ng mga bata sa kanilang mga ninong at ninang tuwing Pasko, upang humingi ng aginaldo.
Ayon kay Iñiguez, ang pagbibigay ng regalo sa mga inaanak ay isang espesyal na paraan nang pagpapakita ng pagmamahal ng mga ninong at ninang.
Gayunman, nilinaw naman ni Iñiguez na hindi naman obligado ang mga ninong at ninang na magbigay ng mga regalo sa inaanak, dahil ang pinakamahalaga pa rin aniya ay ang kanilang gabay sa ispiritwal na buhay ng mga ito.
Dagdag pa ng Obispo na hindi kailangang magtago ng mga ninong at ninang kung walang nakahandang regalo para sa kanilang inaanak.
Bukod sa regalo, na isang materyal na bagay lamang, maaari naman aniyang gawing regalo ang pagpapamisa para sa kanilang inaanak o pagdarasal.
Ipinaliwanag ni Iñiguez na ang tunay na papel naman talaga ng mga “sponsor” o ninong at ninang ay ang magsilbing ikalawang magulang at maging gabay sa kanilang inaanak.