MANILA, Philippines - Pitong overseas Filipino workers na may kasamang tatlong bata ang dinakip ng mga awtoridad sa isinagawang drug operation sa isang bahay sa Saudi Arabia.
Ayon kay Mike Garlan, Migrante-Middle East secretary-general na nakabase sa Riyadh, ang pito ay kinabibilangan ng 4 na babae na may dalang mga anak na nagkaka-edad ng 1-3 buwang gulang at tatlong lalaking Pinoy ang pinagdadampot sa pagsalakay ng composite team ng Mottawa, ang lokal na pulis sa Saudi at Jawasat noong Disyembre 18 dakong alas-1 ng madaling-araw.
Ang apat na Pinay na may dalang mga anak ay kasalukuyang nakakulong sa Semeisy jail, habang napahiwalay naman sa kulungan ang tatlong Pinoy sa Malaz Central Jail, pawang sa Riyadh.
Bunga nito, inalerto na ng Migrante ang Embahada ng Pilipinas sa Riyadh at hiniling na mabigyan ng tulong at alamin ang pagkakakilanlan ng mga nakapiit na OFWs.
Nauna rito, may 33 runaway OFWs ang inaresto ng Saudi Police noong Nobyembre 24 sa Al-Khobar, Eastern region ng Saudi Arabia matapos na salakayin ng lokal na police ang kanilang tirahan. Kabilang sa mga inaresto ay 27 kababaihan na may kasamang isang buwang sanggol at tatlong bata na kasama ngayon sa kulungan.
Sa tala ng Migrante-ME, umaabot sa 10,000 undocumented OFWs ang kasalukuyang nasa Saudi Arabia.