Calamba mayor, NBI chief kinasuhan sa Ombudsman
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong kriminal at administratibo sa tanggapan ng Ombudsman sina Calamba City Mayor Joaquin Chipeco, NBI Director Magtanggol Gatdula, at iba pang mga opisyal ng nasabing ahensya at city government dahil sa pagsasabwatan umano para mapagtakpan ang sinasabing P26.6 milyong ‘ghost projects’ sa lunsod. ?
Sa kanyang reklamo, binigyan-diin ni Atty. Edgardo Abinales na para sa interes ng mamamayan ng Calamba City marapat lamang imbestigahan ang anomalyang ito at papanagutin sa lalong madaling panahon ang mga nagkasala. ?
Ayon kay Atty. Abinales, Agosto 26 ng kasalukuyang taon nang magpalabas ng resulta ng kanilang imbestigasyon ang NBI kung saan pinapawalang sala sina Chipeco, acting city treasurer Liberty Toledo at former Vice Mayor Pursino Oruga sa nasabing umano’y katiwalian dahil pineke raw ang pirma ng mga opisyal na ito sa 30 tseke mula sa “nawala” na dalawang checkbooks ng city hall.
Subalit kinontra ni Atty. Abinales ang NBI findings dahil kuwestyunable umano ang ginamit na mga basehan ng ahensya para igiit na pineke ang pirma ng mga akusado sa tsekeng ibinayad sa may 10 contractors/suppliers, na may kabuuang halaga na P26.6 milyon.
Mismong ang NBI daw ang nakabatid na may 30 tseke na nai-encashed sa isang bangko sa Calamba City branch noong Pebrero 2, 25, 26 at Marso 1, 3, 4 at 30 at Abril 12 at 14, 2010.
Sabi pa ni Abinales, kung totoong nawawala o ninakaw ang mga tseke at pineke daw ang kanilang pirma doon, “ang pagkawala at pememeke ay dapat nadiskubre nina Chipeco, Toledo et. al noong Pebrero at Marso pa lang pero bakit noong Abril 15 lang nila sinasabing nangyari ito at nagsumbong sa bangko at NBI?”
Dagdag niya, binalewala ng NBI ang ilang Supreme Court (SC) precedents gaya sa kaso ng Salomon vs IAC, na nagsasabing tanging ang korte lamang ang magdedesisyon kung may naganap na ‘forgery’ o pamemeke at hindi ang isang law enforcement agency gaya ng NBI.
Gayundin sa kaso ng Alcos vs IAC kung saan ibinasura ng high tribunal ang opinyon ng isang handwriting expert na peke ang isang pirma dahil giit ng SC ay ‘genuine’ ‘yung kinukwestyon na lagda.
“Patunay ito na ang korte lamang ang may kapangyarihan na magpasya kung may nangyaring pamemeke o wala, kaya hindi ang NBI ang magsasabing absuwelto o hindi sila Chipeco at iba pa,” giit ni Atty. Abinales.
- Latest
- Trending