Pagkalap ng ebidensya sa 'Vizconde' sinimulan na
MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pangangalap ng mga ebidensya at impormasyon kaugnay ng muling pagbubukas ng imbestigasyon sa Vizconde massacre.
Ayon kay PNP Chief Director General Raul Bacalzo, nakapokus ang imbestigasyon sa tatlong suspek na kinabibilangan ng Akyat Bahay gang, grupo ng mga obrero sa construction at 8 dating pulis na pawang pinaghihinalaang may kinalaman sa masaker.
Aminado ang Chief PNP na wala pang SOCO (Scene of the Crime Operatives) noong panahong maganap ang Vizconde massacre dahil may limang buwan pa lamang naitatag ang punong himpilan ng PNP noong 1991 o may 19 taon na ang nakalilipas.
Tanging ang lokal na pulisya lamang ang nagreresponde sa krimen kung saan nalinis ang mga ebidensya ni dating Insp. Gerardo Biong.
Kahapon ay ipinatawag na sa tanggapan ng National Bureau of Investigation ang mga dating NBI directors na sina Mariano Mison at Epimaco Velasco, bukod pa sa mga dating miyembro ng Task Force Jecares.
Inamin naman ni Justice Secretary Leila de Lima na pressured sila sa prescriptive period kaya kailangang may makumpleto silang report bago ang anim na buwang taning ng Korte Suprema.
Ayon kay de Lima, bagama’t hindi naman araw-araw ang kanilang paggawa sa DoJ at NBI, tuloy naman ang pagtatrabaho ng kanilang mga operatiba sa labas dahil wala namang partikular na panahon kung kailan lilitaw ang katotohanan sa nasabing kontrobersyal na kaso.
Iginiit pa ng kalihim, “back to zero” ang kanilang motto sa reinvestigation kaya kailangan nila ng puspusan ngunit maingat na pagtatrabaho.
Magsisilbing lead agency sa pagbubukas muli ng imbestigasyon sa Vizconde massacre ang 3 parallel team na binuo ng DOJ.
Matatandaan na ipinag-utos ng Korte Suprema ang pagpapalaya sa grupo ni Hubert Webb dahil hindi napatunayan ng prosekusyon na sina Webb ang tunay na salarin sa krimen.
- Latest
- Trending