Koreano ayaw magbayad, kalaboso
MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang Korean national nang ireklamo sa ’di pagbabayad ng bill sa isang restaurant sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinasuhan ng estafa sa Manila Prosecutor’s Office ang suspect na si Cha Kung Chul, 39, na naninirahan sa Limay, Bataan matapos ireklamo ng isang Renato Fajardo, 33, cook sa Masarap Restaurant.
Sa ulat ni C/ Insp. Marcelo Reyes, hepe ng Manila Police District-General Assignment Section, inaresto si Chul dakong alas-8:30 ng gabi ng Lunes sa Masarap Restaurant na matatagpuan sa Nakpil St., Ermita, Manila.
Dakong alas-6 ng gabi nang pumasok at umorder umano ng mga Korean food at alak ang suspect na umabot sa halagang P990 at nang matapos ay ayaw namang bayaran kaya’t isinuplong ito sa pulisya na nagresulta sa kanyang pagkakakulong.
- Latest
- Trending