MANILA, Philippines - Hindi nagustuhan ng mga lider ng maimpluwensiyang Simbahang Katoliko ang ilang eksena sa pelikulang “Fr. Jejemon,” na mistula anilang “paglapastangan” sa Banal na Eukaristiya, gayundin sa “kaparian.”
Ang “Fr. Jejemon,” na pinagbibidahan ng Comedy King na si Dolphy, ay isa sa mga pelikulang pinalad na makalahok sa Manila Film Festival na ipalalabas sa mga sinehan sa bansa sa mismong araw ng Pasko.
Ayon kay Jaro, Iloilo Archbishop Angel Lagdameo, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), bagamat “edited” na umano ang kontrobersiyal na pelikula at inalis sa trailer ang ilang eksenang “lumalapastangan” umano sa pagiging sagrado ng Eukaristiya, hindi pa rin sila kuntento dito.
Ang dapat aniya ay kondenahin ang naturang pelikula, at maging bokal ang mga laity sa pagtuligsa dito.
Inirereklamo ng mga Obispo at mga religious groups ang ilang eksena sa pelikula kung saan nahulog ang “ostiya” sa dibdib ng babaeng nagko-komunyon, habang sa isa pang eksena, napasama naman ang pustiso sa “ostiya,” na itinuturing na “katawan ni Kristo.”
Anang arsobispo, kahit pa sinasabing tinanggal na ng direktor ang kontrobersiyal na bahagi ng pelikula sa trailer nito, nagdulot na rin aniya ito ng negatibong impresyon lalo na sa bokasyon ng pagiging pari.
“They are negative, the movie does not give a good reflection on the priesthood,” ani Lagdameo, sa pahayag sa website ng CBCP.
Naniniwala si Lagdameo na kung wala lamang sana ang mga naturang eksena, magiging magandang kampaniya ang “Fr. Jejemon” para sa bokasyon ng mga pari, lalo na’t mayroon namang tiyuhin si Dolphy na isang pari.